Noong nag aaral pa ako isa sa mga nababanggit lagi sa mga lesson namin ay yung theory ni Karl Marx about sa class division o sa pagkakaiba iba ng social status ng mga tao. Simula noong unang na discuss saamin yun, ayoko na agad dito pero ayun yung isa sa topic na pinakamadali kong natutunan. Kung tatanungin ako kung bakit?
Kasi araw-araw ako mismo ang nakakaranas. Ako mismo ang nakaka kita.
Ano pa ba ang pinakamadaling paraan para maintindihan mo ang isang bagay diba? Kundi yung tungkol sa sariling mga karanasan mo sa buhay.
Kaya ko nababanggit 'to at kaya ko naisipan ipost 'tong ganitong topic dito sa blog ko kasi noong nakaraan nasa may Banawe kami kasi may pinapagawa para sa sasakyan. Mga 10pm na pero nandun parin kami kasi hindi parin natatapos, nakaupo lang ako sa tapat nung pagawaan habang nagbabasa ng libro pero may naka agaw ng atensyon ko kasi doon sa pinagpapagawaan namin meron silang maliit na tindahan tapos may lumapit na isang tatay tapos dala niya yung dalawang anak niya at bumili sila ng isang Soft Drinks. Habang kumukuha yung nagtitinda, naririnig ko na kinakausap nung tatay yung dalawang bata "Mag soft drinks nalang muna kayo kasi wala na kayong pang dede. Hapunan nga wala tayo, gatas pa haha" Kahit tumawa siya you alam mo na fake lang yun.
Napatingin ako sa kanila tapos nakita ko yung mga bata na nakatingin saakin, wala akong ibang magawa kundi bigyan sila ng ngiti. :( Nainis ako sa sarili ko kasi ano bang mapapala ng mga bata na yun sa pag ngiti ko diba? Mabubusog ba sila nun? Mapapakain ba sila? Nakakainis ksi wala man lang akong magawa.
Naluluha ako kapag naaalala ko kasi ewan ko basta sobrang intense nung pakiramdam ko na parang grabe ako nakaupo doon at naghihintay lang na matapos yung pinagagawa tapos babalik na ako sa maayos na bahay at hindi naman ako gutom kasi pinakain naman ako. Kaya anong karapatan kong magreklamo? Samantalang yung pamilya na yun hindi ko alam kung makakakuha ba sila ng pagkain para ngayong gabi at kung may maayos ba silang tutulugan.
Alam kong walang magagawa yung pag blog ko tungkol dito pero kasi hindi talaga mawala sa isip at pakiramdam ko yung konsensyang nararamdaman ko at ang tangi ko lang talagang pwedeng gawin ngayon eh, isulat lahat ng nararamdaman at naiisip ko. Kung hindi baka bigla nalang akong maiyak sa sobrang inis ko sa sarili ko at sobrang pag aalala sa pamilya na yun haha.
Alam mo yun? Sobrang naisip ko kung gaano ako kaswerte sa buhay kasi never akong nagutom na wala akong choice. Nagugutom lang ako kapag pinapatay ko na yung sarili ko sa pag diet, samantalang yung ibang tao halos ikamatay yung gutom kasi wala silang choice kundi magutom :( Hindi kami sobrang yaman pero meron kaming sapat na pagkain sa araw-araw at bonus pa na napag aral ako sa magandang university. Kaya ano bang inaarte ko sa buhay ko?
Gustong gusto ko silang tulungan pero para akong na estatwa sa kinauupuan ko at wala rin naman akong magagawang tulong para sa kanila. Alam kong may iba na magsasabi na bakit hindi sila nagsikap? Bakit pinabayaan nilang ganon nalang yung buhay nila.
Kasi po tanggapin man natin o hindi, mahirap talaga ang buhay. Nahahati talaga tayong lahat sa estado ng buhay, at madalas o karamihan ng taong pinanganak na hindi masyadong maganda ang estado ng buhay ay hindi rin nabibigyan ng sobrang gandang oportunidad sa buhay.
Aminin man natin o hindi, mas marami paring opportunity ang dumadating para sa mga taong may sinabi na sa buhay o yung ibang nasa middle class. Kasi ang mga tao madalas tumitingin sa physical na anyo o sa paraan ng pagsasalita. Hindi lahat ng tao pare pareho ang respeto sa bawat isang nilalang na meron dito sa mundo.
Kaya kung sasabihin niyo saakin na kasalanan nila kung bakit sila mahirap hanggang ngayon, sana isipin niyo muna na maswerte kayo na meron kayong kinalakihang maayos na buhay. Hindi natin alam kung paano sila nagsumikap pero baka hindi lang nabigyan ng chance. Hindi natin alam yung mga pinagdaanan nila sa buhay. Kaya kung wala rin naman tayong maitutulong, mas maganda siguro na wag nalang tayong magsalita ng masama tungkol sa kanila.
Nakakalungkot talaga isipin na napaka unfair ng buhay at hindi pantay pantay yung mga tao. Nakakalungkot na habang yung iba eh, nagrereklamo sa komportable nilang buhay, kalahati ng mundo eh naghahanap ng komportableng matutulugan. Alam ko na wala akong karapatan magsalita ng ganito dahil isa rin naman ako sa mga maraming reklamo sa buhay, ayokong magpaka impokrito. Ang saakin lang, sana kahit papaano ma appreciate natin yung mga bagay na meron tayo dahil hindi natin alam kung ilang tao ang nagdadasal para magkaroon nito.