What is beauty and who has it? -CNN, 2011
Nakakalungkot isipin na maraming tao yung binabago yung sarili nila para lang umabot sa standard ng mga tao ng "maganda". Mas nakakalungkot kasi naging isa ako doon.
Sa panahon ngayon sobrang effort ang kailangan mo para lang maging maganda ka sa paningin ng ibang tao. Nakalimutan na nating mabuhay para sa sarili natin at hindi para sa magiging tingin saatin ng iba. Iilan nalang ba ngayon ang talagang walang pake kung ano ang sasabihin ng mga tao diba? Pero ano nga ba ang dapat mo pang isakripisyo para lang maging okay ka sa harap ng mundo?
"Late bloomer" yan yung tawag nila sa mga taong late nang nalaman ang buhay at ang mundo. Masasabi kong isa ako sa mga tao na yun dahil noon wala akong pake kung anong itchura ko. Kahit pawisan, magulo yung buhok, hindi ganoon kaputian o kung ano mang sinasabi pa nila, okay lang saakin at wala akong gustong baguhin sa sarili ko. Hindi ako naglaan ng malaking oras para sa mga bagay bagay. Lumipas ang high school na pulbos lang ang tanging alam kong gamitin. Haha.
Pero dumating yung college. Lahat ng tao sa paligid ko alam na yung salitang makeup. Lahat sila may liptint, blush on, bb cream aaaaat kilay! wth diba? ano yun? Paano ba yun? haha! Dahil dakilang pa cool ako at naging misyon ko sa buhay ang makibagay sa buong community ng university ko, unti unti kong inaral kung papaano ba ginagawa yung mga yun (hindi parin ako marunong hanggang ngayon pero disente naman na haha). Nagsimula ako sa lipstick at sa cream sa mukha, na siyang naging umpisa ng breakout ko haha! Lipstick na mula sa pink naging pula.
Nagsimula narin akong magkulay ng buhok. Mula sa itim na itim na buhok ko noong pumasok ako sa college naging sobrang tingkad na kulay na noong lumabas ako ng PICC haha. Yung palda ko na lagpas tuhod dati naging maikli at hapit na saakin. Para saan? Para lang maging "pareho" ako ng mga tao at hindi mag mukhang kakaiba lol kung alam ko lang.
Lumaki akong payat talaga. Kahit noong bata palang talagang hindi na ako tabain, pinagpapasalamat ko naman yun. Pero dahil nga sanay yung mga tao na nakikita akong mabuto at sobrang lalim ng collarbone, kapag nagsisimula na akong magkalaman dahil alam naman natin na nagbabago talaga ang katawan ng mga tao, lahat sila pumupuna na.
"Tumaba ka" "Ang taba mo na" Ilan sa mga naririnig ko kapag nagsimula ng umangat sa 50kgs yung timbang ko. Kahit alam kong hindi naman talaga ako mataba at magiging normal naman yung weight ko sa height ko, napaparanoid talaga ako. Pipilitin kong mag diet para lang bumalik sa 50kgs yung timbang ko na alam naman ng lahat na underweight na para sa height ko haha. Dumating pa ako sa point na sa sobrang diet ko, nasanay ata yung katawan ko kaya tuwing kakain ako, feeling ko naduduwal ako.
Pero bakit nga ba naging sukatan ng ganda ang liit ng bewang? Lalim ng collarbone at laki ng balakang ngayon? Kailan pa naging mas mahalaga ang mga bagay na yun kesa sa kalusugan?
Hindi naman marunong makuntento ang mga tao, kapag mataba ka o sobrang payat mo na, may sasabihin at sasabihin sila kaya kung ako sa inyo hanggat komportable kayo sa sarili niyo at healthy naman kayo, kebs na sa sinasabi ng mga haters haha!
Minsan sa sobrang kagustuhan nating mag blend in sa paligid nakakalimutan nating pwede naman tayong mag stand out, bakit ba ginusgusto nating lahat na pumasok sa standard ng society ng kagandahan kung pwede naman tayong magkaron ng sarili nating standard kung saan maayos at komportable tayo sa kung ano at sino tayo?
Bakit kailangan nating isakripisyo kung anong meron tayo o kung sino talaga tayo para lang magustuhan nila tayo at hindi tayo maging iba sa kanila? Ano bang meron at kailangan nating mag effort ng sobra para lang wala silang mapuna saatin? Eh, kahit ano namang gawin natin hinding hindi makukuntento ang mga tao sa mga makikita nila.
Bakit kailangan nating humingi ng validation sa ibang tao at hindi sa sarili nating satisfaction kung sino tayo? Bakit imbis na magtuon at maglaan tayo ng oras sa pagpapaganda sa mundo at sa mga ugali natin eh inuuna pa nating magpaganda ng physical na nakikita ng dalawang mata?
Nakakalungkot.
Sana dumating yung araw na hindi na kakailanganin ng mga tao na maging maganda para sa ibang tao. Sana dumating yung araw na lahat tayo marerealize kung gaano tayo kaganda kung uunahin nating pagandahin yung disposisyon natin sa buhay at kung papaano natin binibigyan ng kahulugan yung salitang ganda. Sana maalis na sa utak natin yung pressure na binabato ng society kung paano ba dapat mabuhay sa mundo.
Hanggat masaya ka kung sino ka, hanggat komportable at wala kang inaapakang tao, maganda ka.