Two months na simula nung natapos ako sa college. Dalawang buwan ko ng tinatanong sa sarili ko kung ano bang plano ko sa buhay ko:
"Mag aapply ka na ba? Saan? Kailan? Ano bang gusto mong gawin sa buhay mo?
"Gusto mo bang mag aral ulit para sa course na gusto mo talaga? Saan ka kukuha ng pang tuition? Mag trabaho ka muna."
"Kailangan mo magtake at pumasa sa civil service para makakuha ka ng magandang work na magagamit yung course mo."
Ilan lang yan sa mga gabi-gabing bumabagabag sa utak ko na dahilan kung bakit halos dalawang buwan narin akong hindi nakakatulog ng tama. Akala ko kasi dati kapag nakagraduate na ako, magiging okay na ang lahat, akala ko mahahanap ko na ulit yung sarili ko. Akala ko sa wakas magiging malaya na ako sa mga tanong ko sa sarili ko, pero bakit parang lalo lang nadagdagan?
Hindi naman sa hindi ako masaya sa diploma na meron ako, syempre pinaghirapan ko yun pero hindi ko lang talaga maiwasan na magsisi kung bakit hindi ko kinuha yung course na gusto ko talaga, kung bakit mas pinili kong gawin yung isang bagay na wala naman akong kaalam-alam, hindi ko nga alam kung paano ko natapos yung course ko. Nadaan siguro sa dasal. Haha.
Meron naman akong mga plano sa buhay, syempre hindi ko naman papabayaang masayang yung nagastos na pera para pag aralin ako sa maayos na school, hindi ko rin naman sasayangin yung pagod at sakripisyo ko para lang magkaron ng diploma na meron ako ngayon. Pero, sobrang hirap.
Sobrang hirap magsimulang maglakad lalo kung hindi mo naman alam kung saan ka pupunta. Para kang batang naliligaw na gusto nalang umupo sa isang sulok at maghintay na merong dumampot sayo at ilagay ka sa kung saan ka dapat.
Sobrang hirap kasi kahit gustong gusto mong gumalaw para kang may malaking kadena sa ilalim ng paa mo kaya hindi ka tuluyang maka move forward.
Sobrang hirap kasi gustong gusto mong humingi ng tulong pero saan? kanino? at isa pa...hindi mo naman alam kung ano yung ihihingi mo ng tulong.
Sobrang hirap kasi baka yung mga gusto mong hingan ng tulong hindi ka naman maintindihan at masabihan ka lang ng nasa utak mo lang ang lahat, labanan mo nalang at wag kang maarte. haha.
Sabi nila, sa college mo daw mahahanap yung sarili mo, pero bakit parang doon ko pa nawala yung saakin?
Hindi ako takot sumubok at magtry ng mga bagong bagay, hindi naman ako takot maligaw eh, pero takot ako na baka sa paghahanap ko lalo lang akong mawala at tuluyan ng hindi makabalik sa kung saan ako dapat.
Minsan dinadasal ko na sana makatulog naman na ako, baka kasi sakaling kapag nakatulog na ako, makapag isip na ako ng maayos, baka kapag nakapag isip na ako ng tama, pwede na akong makagawa ng mga desisyong maayos.
Alam kong iisipin ng iba na napaka drama naman, bakit kasi hindi nalang ako umusad sa buhay ko at simulang gawin yung mga dapat kong gawin. Ang dali kasing sabihin yun lalo kung wala ka naman sa sitwasyon, paano ka magsisimula kung hindi mo naman alam kung ano ba ang dapat mong umpisahan?
Marami akong plano sa buhay ko. Hindi man halata pero lahat ng plano ko gusto kong matupad at alam ko na dadating yung time na isa isa magagawa ko dn yung mga yun. Sa ngayon, kailangan ko lang talagang kilalanin ulit yung sarili ko at alamin kung ano ba talaga yung gusto kong mangyari sa buhay ko. Gusto ko lang ng konti pang oras para mapag isipan kung paano ko gagawin yung mga bagay na yun.
Ilang taon sa college, ilang taong hirap at pagtyatyaga pero hindi mo ngayon alam kung paano gagamitin. Minsan kailangan mo nalang talagang mamili kung anong dapat mong gawin....yung bagay na makakapagpasaya sa mga taong mahal mo o yung bagay na magpapasaya sayo.